Bakit ganun, kung kailan wala na yung isang tao, saka mo hahanapin yung presensiya niya, dati sinasabi mo na kaya mo kapag nawala siya, tapos mangangako ka na babalik ka, parang bola, o kaya freesbie, dati natutuwa akong panuorin sila sa Sunken Garden, habang malaya sa paglipad, ang taas, na tipong parang di mo na maabot sa sobrang taas niya, ikaw naman, mababa lang, malayo ang pagitan nyong dalawa, pero sa paglipad niya, mangangako namang babalik, pero di mo siguro kung sakto ang pagbalik niya sa sayo, yung diretso ang bagsak sa kamay mo, minsan kasi kailangan mo pang lapitan o kaya gumawa ng ilang hakbang para lang muli mo siyang maabot, pero ngayon iba na, wala na yung dati nyong matamis na alaala, parang ice cream nung matanda ng minsang mainitan ako, ang tamis, naaalala ko tuloy yung ice cream na pampalubag loob ko sana sa ginabi nating pag-uwi, kinain n’yo kaya, o baka natunaw lang, parang pagkatunaw ng pagtitinginan natin sa isa’t isa, dati makulay, ngayon parang maputla na, parang yung mga damo at puno sa malukong na hardin na minsang tinatambayan ko, maputla, walang kulay, nakakaawa silang tignan, parang naghihingalo o kaya’y sobra sa pagmamakaawa na makadama ng konting tubig, ng konting dampi, ng konting pagmamahal, pero parang malabo na, parang hindi na rin gaano kalinaw, parang yung usok na lumalabas mula sa mga iniihaw na barbecue sa beach house o kaya sa maulap na langit na madalas nagpapasarap ng pakiramdam ko, pakiramdam na sa mga usok na iyon ay itinatago ko, hindi naman nawawala pero itinatago ko, kaya minsan naghahanap ako, kung nasaan na nga, ano ng ginagawa, ano ng mga huling balita, pero masaya na ako sa kalagayan ko ngayon, natutuwa ako na may isang taong nagtiyaga at nagmahal sa’ken, kilala mo na yun kung sino ka, naiisip ko lang yung mga alaala, mga pangako, mga … nabigong pangako, hindi ko rin alam kung may kasunod pa yun, pero hindi na ako masyodo umaasa, na tulad ng dati, na gaya ng dati…