Kanina ang unang pagkakataong nakita kitang lumuluha habang naghihiwa ng sibuyas. Hindi ka naman ganyan dati.
Noong paslit pa lang ako’y tuwang-tuwa na akong panoorin ka habang naghahanda ng hapunan. Pinagmamasdan ko kung paano mo hinihiwa nang dahan-dahan ang mga gulay, kung paano mo budburan ng asin ang sabaw ng nilaga. Inaabutan pa kita noon ng bimpo sa tuwing tumutulo ang pawis mo dahil sa init ng kalan. Ayaw mo akong palapitin sa iyo tuwing naghihiwa ka ng sibuyas dahil sabi mo’y maluluha lang ako. Ayaw kong maniwala sa’yo noon, dahil hindi naman kita nakikitang lumuluha.
Nang sinubukan kong amuyin ang mga hiwang sibuyas, pinagalitan mo ako dahil napaluha nga ako. Inabutan mo ako ng bimpo at inutusang tapusin na lang ang aking mga takdang-aralin. Hindi mo naman alam na pinagmamasdan lang kita at iginuhit habang ika’y naghihiwa ng sibuyas. Sinigurado kong tama ang kulay ng suot mong daster, ang ayos ng iyong buhok, at ang dami ng sibuyas na hinihiwa mo.
Pinakita ko sa iyo ang aking ginuhit. “Paglaki ko gusto ko maging artist,” sabi ko. Ngumiti ka at kinuha ang aking iginuhit, pinuri, at ikinabit sa pinto ng pridyider. Tinanong kita kung anong gusto mo maging paglaki mo noong bata ka pa, pero hindi ka umimik.
Naghahain ka na ng hapunan nang dumating si Itay. Lumuhod ka sa harapan niya at tinanggal ang kanyang sapatos na topsider, at minasahe mo ang kanyang likuran. Pinagmamasdan ko kung paano mo alagaan si Itay. Pinagmamalaki kita kaya naisipan kong iguhit ka habang suot mo ang daster at tangan ang walis, ginuhit ko sa tabi mo si itay na suot ang plantsadong polo at hawak ang kanyang attaché case. Sa sobrang ganda ng aking ginuhit, minabuti kong ipakita at ipagmalaki ito sa iyo. Akala ko, makikita ko muli ang iyong ngiti at ididikit mo uli sa pridyider ang aking obra. Ngunit hindi ka umimik at nilapag lang ang aking ginuhit sa lamesa. Alas-otso na ng gabi nang ihatid mo ako sa aking kama. Gabi-gabi kong inaabangan ang iyong mga istorya at kanta. Magaling kang umawit at gumawa ng mga kwento. Kinuwento mo sa akin ang isang prinsesa na sinusungkit ang mga tala. Inawitan mo rin ako ng mga kantang pampatulog. Alam kong magigising ako bukas para masungkit ang mga tala na kinuwento mo sa akin. Inisip ko rin na kung sa pagkanta lang, kaya mong talunin si Sharon Cuneta. Maliban sa paghiwa ng sibuyas, dito ka pinakamagaling. Magiging sikat kang singer. Sa mga kanta mo lang ako nahihimbing.
Kanina ang unang pagkakataon na nakita kitang lumuluha habang naghihiwa ng sibuyas. Nais ko sanang ipaalala sa’yo ang mga pangyayari noong bata ako. Nais kong sabihin sa iyo na hindi mo pa rin sinasagot ang matagal ko nang itinatanong sa’yo. Hindi ka pa rin umiimik. Patuloy lang ang pagtulo ng mga luha mong tila ulan na pumapatak sa iyong daster. Ngayon, natupad na ang pangarap kong maging isang ganap na artist. Gusto ko sanang iguhit kang muli habang naghihiwa ng sibuyas, ngunit hindi sa ganyang hitsura. Kung sinabi mo lang sana ang pangarap mo noong bata ka pa, hindi kita iguguhit na kasama mo ang walis at mga sibuyas.